Matapos masalanta ng Bagyong Tisoy, pati daga pantawid-gutom na ng mga taga-Milaor, Camarines Sur, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Kanya-kanyang suyod ang mga residente sa mga binahang palayan para manghuli ng dagang-bukid para gawing ulam.

Puwede naman daw kainin ang mga dagang-bukid 'di gaya ng mga daga na nahuhuli sa mga bahay.

Problema sa tubig naman ang idinadaing ng mga nasalanta sa Daraga, Albay. Maaga pa lang, pila-balde na agad ang mga residente.

Tiyagaan sa paghihintay sa rasyong tubig dahil ang mga residente wala na raw inuming tubig. —KBK, GMA News