Pinaigting pa ng pamahalaang panglalawigan ng Cebu ang kampanya laban sa African Swine Fever (ASF).

Nakipagpulong si Cebu  Gov. Gwendolyn Garcia  sa  provincial Task Force laban sa ASF at dinaluhan ito ng mga kinatawan ng iba't ibang lokal na ahensya kabilang ang Provincial Veterinarian,  Provincial Agriculturist Office, Department of Agriculture,  at National Meat Inspection Service.

Nababahala ang pamahalaang panglalawigan ng Cebu matapos ma-lift ang ban sa pagpapasok ng  live hogs at pork products galing Luzon ng Region Region 8, partikular na galing sa Leyte, at Samar.

Ayon sa mga opisyal ng Cebu, maaaring makapasok ang mga karne at produktong kontaminado ng ASF.

Kasabay nito, pinag-isipan ng lokal na pamahalaan na mas palakasin pa ang seguridad sa mga pantalan na nakaharap sa Region 8.

Noong ika-6 ng Nobyembre 2019, pinagtibay ng lalawigan ang Executive Order  No. 23 na nagpapalawig pa sa pagbabawal ng pagpapasok sa Cebu ng live hogs at pork-related products galing sa Luzon hanggang Hunyo sa susunod na taon.

Ipinagbabawal na rin ang pagpasok sa probinsya ng Cebu ang lahat na klase ng karne,  manok, isda o kahit anong klaseng produktong pagkain kung ang mga ito ay nakahalo sa cold storage facilities ng food items at products gaya ng pork, pork-related food products mula sa Luzon.

Ayon sa gobernador, may mga establisyemento pa rin na patuloy sa pagbebenta ng pork products galing sa Luzon.

Dagdag ni Gov. Garcia, may naipasa nang ordinansa laban sa mga pasaway na may katumbas na multang P5,000 o pagkakulong ng hanggang  anim na buwan.

Sa mga darating na araw, ihahayag din umano ni Garcia ang mga pangalan ng mga establisyementong patuloy na sumusuway sa ordinansa. —LBG, GMA News