Kung saksakan ng mahal ng presyo ng galunggong sa Maynila at sa ilan pang mga lugar sa Luzon, ibahin mo ang lalawigan ng Basilan sa Minadanao,  kung saan hindi kinikilo ang isda, at sa P50 may isang tumpok ka nang maiuuwi.

Aabot hanggang P300 ang kilo ng galunggong –tinaguriang isda para sa mahihirap dahil sa mura ito noon.

Sa Lamitan City, Basilan, kung saan araw-araw ay sariwa ang mga isda sa palengke, hindi mo ito mabibili ng per kilo sa halip per tumpok. Tumpok-tumpok kasi kung ibenta ang mga isda.

Photos by Peewee Bacuno
Photos by Peewee Bacuno

Ang isang tumpok ng galunggong na maliliit ay P50 lamang, at may 11 hanggang 12 piraso.

Samantala, ang malalaking galunggong naman ay P100 kada tumpok, na hanggang 15 piraso ang isang tumpok.

Hindi kinasanayan ng mga taga-Basilan ang pagkikilo ng isda. Ito raw ay ginagawa na nang matagal na panahon.

Ang iba pang isda tulad ng yellow-fin tuna ay mabibili mo na nakatay o hati hati na. Umaabot sa 150 hanggang 200 pesos ang bawat tumpok.

Sagana ang probinsya ng Basilan sa yamang-dagat na isa sa pinagkakakitaan ng mga residente. —LBG, GMA News