Patay ang isang 18-anyos na estudyante sa Lantapan, Bukidnon matapos siyang pagbabarilin sa iba't ibang bahagi ng katawan sa compound ng paaralan.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabi ng mga awtoridad na love triangle ang isa sa tinitingnang motibo sa pamamaril sa biktimang si Junrey Anghel.

Kuwento ng kaibigan ni Anghel, posibleng nag-away ang biktima at kaniyang girlfriend matapos na malaman ng biktima na may iba pang karelasyon ang babae.

Hindi na mahagilap ang nobya ng biktima, pati na ang sinasabing isa pa nitong karelasyon.

Patuloy ang imbestigasyon sa krimen. --FRJ, GMA News