Isang ginang ang inaresto sa Cebu City matapos batuhin niya ng humidifier sa mukha ang isang saleslady sa loob ng isang sa mall sa lungsod.  Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa video ang 33-anyos na ginang na nakilalang si Medelina Yamazaki, nang batuhin saleslady na si  Jennifer Fabillar, na nagbabantay sa stall.

Nangyari ang insidente habang kalong-kalong ni Yamazaki [Pinay na nakapag-asawa ng Hapon] ang kaniyang anak.

Pero kahit kahit hawak na ng biktima ang kaniyang mukha, hindi pa rin umano tumitigil ang ginang sa paninigaw, pagduro at pagbabanta sa kaniya.

Muli pang kumuha ng isa pang humidifier ang ginang at ibinato ulit sa saleslady.

Dito na may umawat sa ginang at dumating na rin ang ilang security guard ng mall.

Sa salaysay ni Fabillar sa pulisya, nagkaroon umano sila ng hindi pagkakaunawaan ni Yamazaki tungkol sa paggamit ng tester perfume.

Bukod sa pagbato sa kaniya, binantaan pa raw siya ng ginang na papatayin.

Inaresto kinalaunan ang ginang sa kaniyang condominium unit matapos na ireklamo ng physical injury.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang ginang. Habang ang may-ari ng naturang stall na Mia Maison, kinondena ang paggamit ng karahasan at mapang-abusong salita laban sa kahit sino.

Handa raw silang makipag-ugnayan sa pulisya at gobyerno sa imbestigasyon para makamit ang hustisya. --FRJ, GMA News