Iba't ibang wildlife animals ang nasabat sa isang farm sa Gloria, Oriental Mindoro dahil sa kawalan umano ng permit, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes.

Magkatuwang sa operasyon ang mga miyembro ng Environmental Crime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa loob ng compound, tumambad ang may 53 species ng hayop na kinabibilangan ng green iguana, red footed tortoise, rainbow coconut lory, ringed-necked parakeet, parrot na crimson bellied conure at red rumped parakeet.

Huli sa akto ang mga suspek na sina Zam Angelo Zamoranos at Jessie Dacutanan sa illegal wildlife trading at kawalan ng anumang permit para mag-alaga ng mga naturang hayop.

Nainquest na ang mga suspek sa kasong trading and possession of wildlife species. Nakakulong sila sa NBI Mindoro at hindi pa nagbibigay ng pahayag.  —KBK, GMA News