Nasagip ang ilang hayop na masuwerteng nakaligtas sa abo na ibinuga ng bulkang Taal noong Linggo sa Batangas. 

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, makikita ang mga manok at bibe na nanghihina at nababalot pa ng abo na nailigtas sa Balete, Batangas.

Pinaliguan ang iba sa dagat para matanggal ang nakakapit na abo sa kanilang balahibo.

Pero mayroon din mga hayop na hindi na kinaya ang hirap na dinanas sa nangyaring ashfall.

May baka at kabayo ring inilikas mula sa isla at isinakay sa bangka.

Sa Talisay, nailigtas ng animal welfare group na Guardians of the Fur ang 22 aso at dalawang kuneho.

Naglilibot din ang grupong The Golden Retrievers para sagipin at pakainin ang mga naiwanang hayop sa mga apektadong lugar. --FRJ, GMA News