Kahit umiiyak na ang kaniyang kaanak, hindi nagpaawat sa paghiga sa gitna ng kalsada ang isang lalaking evacuee, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Biyernes.

Ito raw ang kaniyang munting kilos-protesta matapos hindi papasukin sa sarili nilang bayan ng Agoncillo sa Batangas dahil sa pagputok ng Taal Volcano.

Naka-lockdown na kasi ang buong bayan ng Agoncillo na isa sa mga pinakamalapit sa Taal Volcano.

Giit ng lalaki, isang oras lang ang kaniyang hinihingi para mapakain ang kaniyang mga alagang baboy na tangi nila raw na kabuhayan.

Nanindigan naman ang mga pulis na walang papapasuking sibilyan dahil sa panganib ng bulkan. —KBK, GMA News