PAGADIAN CITY - Maingay, makulay at masayang ipinagdiwang ng mga taga-Pagadian City ang kanilang taunang Pasalamat Festival nitong Linggo.

Suot ang engrandeng costume, umindak habang pumaparada ang mga estudyanteng kalahok mula pa sa iba't-ibang eskuwelahan ng lungsod.

Gaya ng inaasahan, muling napuno ngayong taon ng mga turista at mga residente ang mga pangunahing kalsada sa lungsod makapanood lang ng ritual showdown at street dancing.

Ang Pasalamat Festival ay alay at pagpupugay kay Señor Sto. Niño, ang patron ng Pagadian, bilang pagdiriwang ng lungsod sa ika-20 na pista sa taong ito.

Ang pagdiriwang nitong taon ay nilahukan ni Davao City Mayor Sara Duterte na mainit na tinanggap ng mga taga-Pagadian.

Hangad ng alkalde na maging maganda ang pagpasok ng bagong taon sa lahat ng mga taga-Pagadian lalo na sa tulong ni Señor Santo Niño.

“I hope that the coming new year will bring good health, happiness sa lahat ninyo dito sa Pagadian at Zamboanga del Sur and matagumpay at maging masaya ang inyong mga pamilya at bigyan kayo ng masaganang bagong taon," ani Mayor Sara.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

Viva Viva Viva Señor Sto. Nino! Salamat Pagadian, mahal kayo ng Davao City. ???? ml

A post shared by Sara Z. Duterte (@indaysaraduterte) on

 

 

Sa kanyang Instagram, nag-post si Mayor Sara nitong Linggo ng larawan niya habang inaayusan para sa Pasalamat Festival.

"Viva Viva Viva Señor Sto. Nino! Salamat Pagadian, mahal kayo ng Davao City," sabi ni Mayor Sara sa kanyang post.

Samantala, dinagsa ang fluvial procession ng Señor Sto. Niño sa lungsod.

Sinimulan ito sa pamamagitan ng concelebrated Mass na ginanap sa wharf area ng lungsod, na sinundan ng engrandeng fireworks display.

Aabot sa isang daang makukulay na sasakyang pandagat ang nakilahok sa fluvial procession kung saan sakay dito ang mga imahe ng Batang Hesus.

Ayon kay Lieutenant Commander Ryan Gonzales, commander ng Philippine Coast Guard Station ng Zamboanga Del Sur, humigit kumulang nasa 25,000 na tao ang dumalo sa fluvial procession. —KG, GMA News