Patay ang isang turistang Tsino, habang sugatan ang tatlong iba pa nang tumaob ang sinasakyang nilang bangka sa karagatan ng Boracay sa Aklan.

Kinilala ng Philippine Coast Guard ang nasawi na si Hongfang Kuai, 45.

Sugatan ang mga kasama niya na sina Lu Kuaile, 11; Gao Yue, 24; at Luo Meimei, 60, na pawang dinala sa ospital.

Ayon sa PCG, maayos na ang kalagayan ng tatlo.

Ligtas din ang iba pang kasama nilang turista at crew ng bangka na gamit sa pamamasyal o island hopping.

Sa paunang imbestigasyon, lumabas na 25 turista, dalawang crew at isang skipper ang sakay ng motor banca na Jocelyn 1, nang tumaob dahil sa malakas na hangin at alon sa Barangay Balabag nitong Martes ng umaga.

Sa 25 turista, dalawa lang umano ang Filipino at pawang Chinese ang iba pa. —FRJ, GMA News