Isang butanding o whale shark ang aksidenteng nakapasok sa isang baklad o fish pen sa Barangay Sta. Rita sa bayan ng Del Gallego sa lalawigan ng Camarines Sur noong Martes ng umaga.

Maswerteng may mga mangingisda sa lugar ang may magandang kalooban na sagipin ang butanding at itaboy ito papalabas ng baklad upang makalaya.

Nagpaikot-ikot pa sa loob ng baklad ang butanding at tila ayaw pang umalis. May mga maliliit raw kasi na isda sa loob na paborito nitong kainin.

Makalipas ang isang oras ay nakalabas rin ito at tuluyang lumayo.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may namasyal na butanding sa Ragay Gulf sa Camarines Sur. —LBG, GMA News