Kaawa-awa ang sinapit ng isang pit bull na pinagtataga sa Libon, Albay, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Nagtamo ng malalim na sugat sa leeg at pisngi ang asong si Keeper. Sa sobrang lalim ng sugat ay umabot ito sa kanyang bungo.

Sa ngayon ay maayos na ang lagay ng aso at nagpapagaling na.

Ayon sa amo ni Keeper, nag-aasikaso siya ng isang okasyon at 'di namalayang nakawala pala ang aso.

Nagsumbong na lang ang kanilang kapitbahay na pinagtataga na ang aso.

Hindi pa pinapangalanan ang suspek na posibleng maharap sa reklamong animal cruelty. —KBK, GMA News