Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang isang "star witness" na posibleng magbigay umano ng detalye sa motibo sa pagpatay sa dating kongresistang si Edgar Mendoza at dalawa pa niyang kasamahan.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing kinumpirma ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Brigadier General Joel Coronel noong Miyerkoles na hawak na nila ang mga suspek sa pagpatay kay Mendoza, na dating representative ng second district ng Batangas at dalawa nitong kasama na sina Ruel Ruiz [driver] at Nicanor Mendoza [bodyguard].

Inilahad naman ni PNP Chief Lieutenant General Archie Gamboa na kinasuhan na nila ang anim na suspek sa krimen.

Dalawang inmate din sa New Bilibid Prison ang iniuugnay ng mga awtoridad sa naturang pagpaslang pero hindi pa nila inilahad ang buong detalye tungkol dito.

Ayon sa ulat, isa rin sa mga anggulong sinisilip ng mga awtoridad ang kasong hawak ni Mendoza, na isa ring abogado.  Mayroon umanong kliyenteng bilanggo ang dating mambabatas.

Batay umano sa impormasyon na ibinigay ng isang source, tumuloy sina Mendoza sa isang subdivision sa Calamba, Laguna, isang araw bago natagpuan ang sunog nilang mga bangkay sa loob ng sunog na sasakyan sa Tiaong, Quezon.

Makikipag-usap dapat sila sa isang kliyente ang biktima. Pero sa naturang meeting, pinainom daw ng pampatulog ang tatlo.

Nang magkamalay ang mga biktima, pinagsasaksak na sila hanggang sa mamatay.

Ayon naman sa isa pang source, may indikasyon na pinagpapapalo rin sa ulo ang mga biktima na nagdulot ng matinding head injury at trauma.

Nang makasiguro ang mga suspek na patay na ang tatlo, isinakay na ang mga biktima sa back seat ng sasakyan ng dating mambabatas at sinunog.

Mula sa Laguna, dinala umano ang mga biktima sa Brgy. San Francisco sa Tiaong at doon sila sinunog upang mawala ang fingerprints at iba pang ebidensya na mag-uugnay sa mga suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News