Nanlumo ang ilang residente nang makita nila sa unang pagkakataon ang kanilang mga bahay sa Agoncillo, Batangas.

Pinabagsak na kasi ito ng abo at biniyak ng lindol dahil sa aktibidad ng Taal Volcano.

Halos maiyak si Nanay Naria Catena nang makita ang tindahan niya sa Barangay Bilibinwang nitong Lunes ng umaga.

Ito kasi ang unang beses na nakabalik siya sa bahay matapos pumutok ang bulkang Taal.

Bumagsak na ang bubong ng kanyang tindahan at malapit nang bumigay ang pader nito.

Ang loob ng kanyang bahay naman ay may mga bitak.

Nadatnan din niyang patay na ang alaga niyang inahing baboy.

Hindi niya alam ngayon kung paano magsisimula.

Naka-lockdown pa rin ang bayan ng Agoncillo nitong Lunes ng umaga pero nakapasok si Nanay Naria dahil may binuksang apat na oras na window hours mula 6 a.m. hanggang 10 a.m.

 

 

 

Sa pag-iikot ng GMA News sa loob ng Agoncillo, tumambad ang mala-disyertong bayan.

Kulay abo ang paligid.

Ang mga kalsada naman ay nababalot ng alikabok sa tuwing magugulungan ng mga sasakyan.

Ang mga bubong ng ilang bahay dito, bumigay na sa bigat ng ashfall.

Sa Barangay Bilibinwang, kumalas ng kalahating metro ang kalsada dahil sa lindol kaya pahirapan ang pagdaan ng mga four-wheel vehicle.

Umatras din ng pitong metro ang tubig sa lawa sa nasabing barangay.

Pero sa Barangay Subic Ilaya na halos tatlong kilometro ang layo, umangat naman ang tubig at nilamon ang kalahating bahagi ng mga bahay.

Sinulit ng mga residente ang apat na oras na window hours nitong Lunes ng umaga.

Naglinis sila ng bahay at bangka, at naghakot ng mga gamit at hayop.

Bagamat may impormasyon na mula sa Batangas Provincial Government na inalis na ang lockdown sa malaking bahagi ng Agoncillo, sinabi ng hepe ng pulisya rito na si Police Captain Danilo Manalo na wala pa silang natatanggap ng abiso, kaya nag-lockdown ulit sila ng 10 a.m. pagkatapos ng window hours. —KG, GMA News