Pinagmulta at pinakukuha ng clearance bago makapagmaneho ulit ang isang lalaking gumamit ng "wang-wang" sa kaniyang kotse papunta sa kaniyang pinapasukang paaralan sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing nagtungo na sa Land Transportation Office si Judiel NiƱo Canes, para isuko ang wangwang para hindi ma-impound ang kaniyang kotse.

Idinahilan daw nito na gumamit siya ng wangwang para hindi ma-late sa klase.

Bagaman umamin sa pagkakamali, mapaparusahan pa rin si Canes kabilang ang posibleng pagkasuspinde ng kaniyang lisensya.

Kailangan din daw magbayad ng multa si Canes ng aabot sa P8,000 at dapat din siyang kumuha ng clearance bago makapagmaneho ulit. --FRJ, GMA News