Sa kabila ng mga umano'y diskriminasyon sa mga Tsino dahil sa novel coronavirus, apat na Chinese na na-quarantine sa Romblon ang nag-iwan ng sulat upang ipahayag ang kanilang pasasalamat sa mabuting pag-asikaso sa kanila na hindi raw nila inasahan. Humingi rin sila ng paumanhin sa abala at takot na kanilang idinulot.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing na-quarantine sa San Andres District Hospital sa Romblon ang apat na turistang Chinese, na nanggaling sa Hubei, China.

Dumating sila sa bansa noong Enero 27, at dumiretso sa Lucena, Quezon, at nag-RORO papuntang Marinduqe at Romblon. Pero simula ng Pebrero 1, nagpatupad na ng mandatory quarantine ang probinsya sa lahat ng galing sa China at kasama sila habang nagbabakasyon sila sa isang resort.

Nitong Martes, nakabiyahe na papuntang Maynila ang apat na Chinese para ipagpatuloy ang natitira nilang limang araw na self-quarantine. Maayos naman daw ang kalusugan ng apat at walang ipinakikitang sintomas ng sakit.

Pero bago sila umalis ng Romblon, nag-iwan sila ng sulat na naglalaman ng paghingi nila ng paumanhin sa problema at takot na kanilang idinulot matapos na ituloy ang planong mamasyal sa lalawigan sa kabila ng banta ng novel coronavirus.

Humingi rin sila ng paumanhin sa may-ari ng resort na kanilang tinuluyan na bumiyahe pa raw nang malayo para lang dalhan sila ng pagkain sa ospital.

Ayon sa mga Chinese, hindi nila inasahan ang kabutihang natanggap nila sa mga tao sa Romblon habang naka-isolate sila.

Pinuri din nila ang ganda ng Romblon, pati ang kagandahan ng ugali ng mga tao na palakaibigan at mapagmahal umano.

May kasama ring drawing ang sulat na nagpapakita ng isang beach na may mensaheng, "thank you! I love you all!"

Ang may-ari ng resort na si Ramon Reandelar, sinabing handa pa rin niyang asikasuhin ang mga Chinese kapag naisipan nilang bumalik.

"Of course i would entertain them.  Very heartwarming kasi nga all the while kahit noong pumunta sila doktora at saka yung mga pulis sabi ko we will treat them well," saad ni Reandelar.

Tiniyak naman ng Provincial Health Officer ng Romblon, na mabuti ang lagay ng apat na Chinese nang umalis sila ng lalawigan.

"Wala silang fever, wala silang cough, wala silang colds. Okay lang sitwasyon nila, nag-jogging pa sila sa ospital," ayon kay  Dra. Ederlina Aguirre, provincial health officer, Romblon.

Sa ngayon, nananatiling sarado ang San Andres District Hospital sa publiko habang patuloy ang ginagawang paglilinis sa ospital.--FRJ, GMA News