Kritikal ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng lalaking suspek sa loob ng isang tindahan sa Kidapawan City, Cotabato, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, nakitang nakikipagkuwentuhan ang biktima habang hinahanginan ang mga panindang lobo.

Maya-maya ay dumating ang suspek at sinaksak ang biktima.

Tinangka ng biktima na agawin ang patalim.

May tumulong at binato ang suspek pero patuloy pa rin ito sa pananaksak.

Sa kalaunan ay nakatakbo paalis ang suspek.

Personal na alitan ang tinitingnang motibo sa krimen. —KG, GMA News