Isang konsehal na dating pulis ang nasawi sa pananambang ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Bayawan, Negros Oriental. Isang barangay kagawad naman sa Kidapawan City ang patay din sa pamamaril.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, kinilala ng mga awtoridad ang biktima sa Bayawan na si Konsehal Alex Tizon, na isang retiradong pulis

Binaril si Tizon habang sakay ng kaniyang SUV, at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Lumilitaw sa imbestigasyon na pauwi ang biktima galing sa city hall nang sundan siya ng mga salaring sakay ng motorsiklo.

Pero bago pa man makarating sa bahay ang biktima, pinagbabaril na siya ng mga salarin na mabilis ding tumakas.

Ayon sa hepe ng Bayawan police, tinitingnan kung may kinalaman sa krimen ang ang pulitika o ang trabaho niya bilang dating pulis.

Sa Kidapawan City naman,  patay rin sa pamamaril si kagawad Nasrullah Manibpel ng barangay Nuangan.

Sakay umano ng motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin siya ng mga salarin na nakasakay din sa motorsiklo.

Hinala ng mga awtoridad, mga miyembro ng gun-for-hire group ang mga bumaril kay Manibpel.

Inihayag ng pamilya nito na nakatanggap umano ng pagbabanta sa buhay si Manibpel ilang araw bago mangyari ang pamamaril.

Patuloy na iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang krimen.--FRJ, GMA News