Para iwas-bisto, sa mga palikuran ang bentahan ng dalawang drug suspects sa Bacoor, Cavite. Ang isa, itinago pa sa underwear niya ang pakete ng shabu.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang dalawang suspects na sina Edward Bagasala at Ronan Jude Constantino.

Sa halagang P200 nakabili ng isang sachet ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer sa dalawang suspek sa Brgy. Talaba 3. Matapos ang palitan ng pera at droga, agad inaresto ang dalawa.

Kinailangan pang ipasok ng pulis ang kaniyang kamay sa underwear ni Constantino para lang makuha ang isang plastic ng shabu.

Napag-alaman na dati nang nakulong si Bagasala sa kasong may kinalaman sa droga pero nakalaya dahil sa plea bargaining agreement.

Modus daw ng mga suspek na makipagtransaksyon online at makipagpalitan ng pera at droga sa mga palikuran ng mga establisimyento para iwas-bisto.

Nakuha sa mga suspek ang dalawang sachet ng shabu na may halagang P346,800.

Nag-ooperate daw ang mga suspek sa Las Piñas City, Parañaque City, San Pedro sa Laguna at Bacoor, Cavite.

Hindi na nakuhanan ng pahayag ang dalawang suspek. —KBK, GMA News