Nasawi ang isang mag-asawa, habang sugatan naman ang kanilang anak matapos bumangga sa dump truck ang sinasakyan nilang van sa Sta. Lucia, Ilocos Sur.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina James at Rho Anne Marzan.

Isinugod naman sa ospital ang sugatan nilang anak na walong-taong -gulang.

Base sa imbestigasyon, umagaw ng linya ang van sa pakurbadang bahagi ng kalsada at sumalpok sila sa kasalubong na dump truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapang bahagi ng van kung saan naipit ang mag-asawa at pumanaw sa ospital.

Nayupi rin ang harapan ng truck pero hindi nasugatan ang driver nito, na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide with serious physical injury and damage to property.--FRJ, GMA News