Patay ang isang dating pulis nang pababarilin siya ng dalawang salarin sa kaniyang karinderya sa Sta. Rosa City, Laguna. Ang biktima, nasibak sa tungkulin matapos madawit sa isang drug personality.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nakita sa CCTV na abala sa paghahanda ng kaniyang ibinibentang ulam sa karindeya ang nasibak na pulis na si Bimbo castillo Alpajora, 48-anyos, nitong Huwebes ng hapon nang biglang sumulpot ang dalawang salarin na may takip sa mukha at pinagbabaril ang biktima.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng isang itim na kotse.

Ayon sa Sta Rosa police, sinisilip na nila ang lahat ng motibo sa pamamaril sa nasibak na pulis na naugnay umano noon sa Pudin drug group.

"Meron tayong intel report na naging bodyguard siya ng isang Pudin drug group na naoperate noong 2016. Namatay sa police operation yung kanilang leader na si Pudin," ayon kay Police Lieutenant Colonel Eugene Junsay Orate, hepe ng Sta Rosa City Police.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya sa plaka ng getaway vehicle at ang mga hinihinalang "spotter" sa karinderya bago nangyari ang pamamaril.

Samantala, naaresto naman ng mga operatiba sa bisa ng arrest warrant ang number 3 most wanted ng Region 4-A na si Abdul Azis Lamping, isang priority high value target, at umano’y leader ng Azis drug group na nag-ooperate sa Cavite, Laguna at Maynila.

Dati nang nahuli ang suspek pero nakalaya dahil nabasura ang kaso. --FRJ, GMA News