SANTA ELENA, Camarines Norte - Isang sunog na bangkay ng isang hinihinalang babae ang natagpuan sa gilid ng isang abandonadong bahay 'di kalayuan sa Maharlika Highway sa Barangay Bulala, Santa Elena, Camarines Norte nitong Sabado ng umaga.

Hindi na makilala ang biktima dahil sa tindi ng pagkakasunog dito.

Ang bangkay ng biktima ay natagpuan sa ibabaw ng mga inipong dahon ng niyog at kahoy at saka nilagyan ng bote at galon ng gasolina.

Posibleng patay na raw ito nang sunugin.

 

Natagpuan ng mga residente ang isang sunog na bangkay sa Barangay Bulala, Santa Elena, Camarines Norte nitong Sabado, Pebrero 22, 2020. Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente. Peewee Bacuño

 

Ayon sa hepe ng Sta. Elena Municipal Police Station na si Police Captain Elezaldy Calingacion Jr., wala pang naghahanap sa biktima o kumukuha rito.

Wala rin daw silang natatanggap na alarma tungkol sa nawawalang tao. Wala rin lumulutang na posibleng nakakita sa pagsunog.

Sadya raw tapunan ng mga sina-'salvage' o pinapatay ang lugar dahil madilim at bihira ang mga bahay dito.

Inaalam na ng pulisya kung sino ang may-ari ng inabandonang bahay. Aalamin raw nila kung may maitutulong ito sa pag-iimbestiga sa insidente.

Kumuha na ng specimen ang SOCO para sa DNA testing upang makilala ang biktima.

Inaalam rin ng SOCO kung may tama ba ng bala o kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng biktima bago sinunog.

Nanawagan ng Santa Elena Municipal Police Station sa mga residente ng Camarines Norte at mga karatig bayan na makipag-ugnayan sa kanila kung mayroon silang nawawalang kaanak.

Nasa isang punerarya ngayon ang sunog na bangkay. —KG, GMA News