Patay sa engkuwentro ang isa sa dalawang hinihinalang "motornapper" sa Imus, Cavite, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kuwento ng biktima, nakaparada ang kanyang motorsiklo sa tabi ng kalsada nang sumulpot ang dalawang salarin sakay ng isang motorsiklo.

Bumaba ang isa, hinampas ng baril ang biktima saka mabilis na inagaw ang kanilang motor.

Agad namang dumulog sa pulisya ang biktima.

Sa pagronda ng mga pulis, naabutan nila ang mga salarin. Bagama't nakatakas ang isa, ang isa naman ay nakipagbarilan pa sa mga pulis at kalaunan ay napatay.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek.  —KBK, GMA News