Isa ang patay at tatlo ang sugatan, kabilang ang paslit na isang-taong-gulang lang, nang salpukin ng nag-counterflow na truck ang kanilang sinasakyang tricycle sa Legazpi, Albay.

 


Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules,  makikitang tumilapon ang mga biktima mula sa tricycle sa lakas ng pagkakabangga.

Ang paslit na himalang nakaligtas sa sakuna, tumayo at lumapit sa kaniyang inang nakahandusay sa kalsada.

Nakaligtas ang mag-ina at ang tsuper ng tricycle pero nasawi ang isang lalaking pasahero.

Inaresto naman ang driver ng truck na nakilalang si Samuel Mabini, na hindi na nagbigay ng pahayag.

Nagkaaregluhan naman ang magkabilang panig kinalaunan. --FRJ, GMA News