Patay ang dalawang hinihinalang tulak matapos manlaban umano sa mga pulis sa Bacoor, Cavite, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes.

Pasado 2 a.m. nang naganap ang umano’y engkwentro. Ayon kay Police Lt. Col. Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor Police, magsisilbi lang dapat sila ng search warrant sa target na si Sony Telespuro.

Si Telespuro raw ang itinuturo ng mga tulak at user na nahuhuli ng mga pulis sa nakaraang mga operasyon.

Nang salakayin ng otoridad ang bahay ng target, may naabutan pa raw silang umano’y doorman o kasabwat ni Telespuro na nasa akto raw ng pagtatarya ng droga.

Ayon kay Cabatingan, imbes na sumuko ay pinaputukan ng dalawang suspek ang mga pulis. Napatay ang dalawa nang gumanti ang mga pulis.

Nakuha sa dalawang suspek ang dalawang baril, isang sumpak, ilang drug paraphernalia, at 'di pa malamang halaga ng iligal na droga.

May nakuha pa raw silang impormasyon na may ilang babaeng pumupunta roon para kumuha ng droga kapalit ang pagbibigay ng aliw.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng napatay na kasabwat umano ni Telespuro. —KBK, GMA News