Sa ikalawang araw ng Luzonwide Enhanced Community Quarantine ay naging mas mahigpit ang PNP at Philippine Army sa pagbabantay sa mga border ng Quezon province.

Wala ng tricycle na makikitang namamasada 'di tulad noong unang araw. Pagsapit ng 7 p.m. wala ka na ring makikitang tao na naglalakad sa gitna ng bayan.

Pagpasok naman sa bayan ng Pagbilao ay aabot na sa dalawang kilometro ang haba ng mga sasakyang naiipit sa daloy ng trapiko.

Bumuhos ang mga sasakyan mula sa Bicol at southern Quezon na labis na mang ipinagtataka ng mga awtoridad na nagbabantay sa checkpoint.

Bagamat pinapalusot nila sa checkpoint ang mga mahahalagang byahe tulad ng ambulance, supply ng pagkain, at produkto ay maraming pribadong sasakyan pa rin ang dumarating.

Isang lalaking driver ang inaresto ng mga tauhan Pagbilao Municipal Police Station matapos magsuhol ang driver para lang makadaan sa checkpoint patungo sa Bicol. Wala ring lisensya ang driver. Ayon sa hepe ng Pagbilao Municipal Police Station, hindi rin sinunod ng driver na inaresto ang social distancing sa loob ng van.

Isang grupo naman ng kalalakihan na naglalakad ang   dumaan at pinalampas sa checkpoint. Naglakad lang raw sila mula San Perdro, Laguna patungo sa Atimonan, Quezon. Hindi raw agad sila pinauwi ng kanilang amo kung kaya’t hindi agad sila naka byahe.

Noong sila raw ay payagang umuwi ay wala na silang masasakyan patungo sa bayan ng Atimonan. Sa awa ng mga pulis ay ipinakusap ang mga ito sa na isakay ng isang trucking na magpupunta sa Bicol.

Sa checkpoint sa Bantilan, Sariaya, Quezon ay napansin ni Quezon Police Provincial Director Pol. Col. Audie Madrideo na walang kahandaan ang Rural Health Unit sa bayan.

Wala man lang raw kinatawan ang Municipal Health Office sa checkpoint. Paano raw kung mayroong dumaan na kinakitaan ng sintomas. Wala raw alam ang mga nasa checkpoint sa mga gagawin kung sakaling mangyari ito.

Sa mga checkpoint sa bayan ng Tiaong at bayan ng San Antonio, Quezon ay maraming tao ang stranded at nagpipilit na makapasok sa Quezon at Bicol. Ang ibang tao na may maayos na paliwanag ay pinapalampas at ang iba naman ay hindi.

21 tao naman na naglalakad patungong Bicol ang  dumaan sa checkpoint sa Tiaong.

Ayon sa kanila, galing raw sila sa Cavite. Nagsara raw kahapon ang maliit na company na kanilang pinapasukan dahil sa covid-19 dahilan para pauwiin sila. Wala na raw silang masakyan kung kung kaya’t naglakad nalang sila. Gumawa ng paraan ang GMA News upang makapanawagan sa LGU Camarines Norte na matulungan ang mga ito.

Isang grupo ng mga kabataan ang  sinita ng mga pulis dahil sa pagtatambay sa tindahan.
Agad na ipinasara ang tindahan at dinala sa presinto ang mga tambay.

Sa mga oras na ito ay nagpapatuloy ang pagbabantay ng mga pulis at kasundaluhan ng Quezon province. —LBG, GMA News