Ipinag-utos ng Diocese of Antipolo sa kanyang mga pari na tulungan na mga higit na tinamaan sa community quarantine sanhi ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), bilang pakikiisa sa pakiusap ni Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan ang mga nangangailangan sa gitna ng krisis na hinaharap ng bansa.

Iminungkahi rin ng diocese ang paggamit ng Alay Kapwa fund (o Lenten Fund) para tugunan ang ilang pangangailangan ng mga residente napilitang manatili sa bahay.

Noong nakaraang linggo, iminungkahi ng Pangulo sa mga malaking kumpanya na maagang ibigay ang 13th month pay ng mga manggagawa at iba pang tulong pinansyal para sa mga kawaning apektado ng enhanced community quarantine na pinaiiral sa buong Luzon.

Hinimok ng Ministry on Social and Human Development ng diyosesis ang mga parokya na lingapin ang mga nangangailangan lalo ngayong panahon ng krisis na idinudulot ng COVID-19.

Pahayag ni Reverend Father Bienvenido Miguel, Jr., ang director ng ministry, ito ang pagkakataong higit na maipadama ang tunay na simbahan ni Kristong kumakalinga partikular sa mga dukha sa lipunan.

"Covid 19 is a test of who we are as a Church and as a society; We have poor neighbors who now face roadblocks that prevent them to meet their basic needs and they have taken food off the tables of the poor thus putting them at risk of malnutrition, which can compromise their body's abilities to fight off the disease," pahayag niya sa Radyo Veritas.

Iminungkahi rin ng pari na gamitin ang pondong nakolekta para sa Alay Kapwa, magsagawa ng soup kitchen katuwang ang mga volunteer ng bawat barangay upang mabigyan ng pagkain ang mga pamilyang walang sapat na mapagkunan.

Nanawagan din si Fr. Miguel sa mga mayayamang parokya na tulungan ang mahihirap na komunidad.

"Parishes that are well off may tap their social or emergency fund. Rich parishes may extend pastoral charity towards the poor parishes by assisting their social services," dagdag nya.

Iginiit ng pari na dapat magtulungan ang bawat sektor ng lipunan sa pag-agapay sa mga mamamayang apektado ng enhanced community quarantine ngunit dapat ding mahigpit na ipatupad ang safety protocol batay sa abiso ng Department of Health. —LBG, GMA News