Buluntaryong sumuko nitong Biyernes ng umaga sa Quezon Police Provincial Office sa Lucena City ang dalawang pulis ng Candelaria na sinasabi ng Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) na kasama rin sa iligal na operasyon ng mga nauna nang  naarestong mga pulis dahil sa kidnapping, at robbery-extortion.

Nagpunta sa Quezon PPO sina PSSgt. Joseph Francis Benedict at PSSgt. Rexter Cantos at sumuko kay Police Provincial Director Pol. Col Audie Madrideo.

Photos by Peewee Bacuño
Photos by Peewee Bacuño

Dinisarmahan ang dalawang pulis at isasailalim sila sa restricted custody ng PNP Quezon.

Ayon kay Madrideo, kahapon ay ni-relieve na niya ang hepe ng Candelaria Municipal Police Station (MPS) na si Col. Jezreel Calderon, at gayun din ang lahat ng pulis-Candelaria na naka-assign sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) habang  isinasagawa ang imbestigasyon.

Kung mapatunayang nagkasala ay mahaharap umano ang mga ito sa kasong admistratibo at kriminal.

Ayon pa kay Madrideo, isasailalim rin sa drug test ang lahat ng pulis sa Candelaria MPS.

Dagdag ni Madrideo, hindi raw sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga pulis-Quezon na tigilan ang mga maling gawain lalo na ang pagka sangkot sa droga. —LBG, GMA News