Mga residente ng San Rafael, Bulacan nanghuhuli ng tilapia sa gitna ng enhanced community quarantine. PHOTO BY JAMIE SANTOS
Mga residente ng San Rafael, Bulacan nanghuhuli ng tilapia sa gitna ng enhanced community quarantine. PHOTO BY JAMIE SANTOS

Siyam na araw nang maituturing hindi normal ang pamumuhay ng karamihan matapos magkaroon ng mga positibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Kaya naman ang mga pinaka-apektado ng lockdown sa Bulacan, kanya-kanya nang diskarte para makaraos sa araw-araw.

Sa San Rafael, lumabas ng bahay ang grupo ni Junior sa gitna ng quarantine para makahuli ng tilapia na makakain nila.

Ani Junior, “nangingisda kami para may pagkain, pantawid gutom walang bigas ulam lang.”

Ayon sa lokal na pamahalaan, naghahanda na sila ng pagkain na ipamimigay sa mga residente tulad ng mga delata at bigas.

Sa mga bayan sa Bulacan, halos wala nang makitang mga bumabyahe o tambay sa labas ng kanilang bahay.

Mahigpit ang pagpapatupad ng lockdown sa Bulacan. Kahit sa mga baranggay may checkpoint.

Sa Pulilan, lahat ng sasakyan na papasok sa kanilang bayan dini-disinfect.

Sa isang pamilya sa Calumpit, makakatulong sana sa kanila kung maibebenta ang kanilang mga aning palay.

Pero hirap sila ibenta ang palay dahil sa lockdown.

Bago ang lockdown, buwan- buwan na may inaasahang sahod si Jomer pero ilang araw na siyang di makaluwas ng Maynila.

Meron din nagtitinda ng halo-halo sa tapat ng kanilang bahay para lang kumita.

Ayon sa ilang residente ng Bulacan, kailangan din daw naman kumilos para may maihain sa hapag kainan maghintay lang ng mga rasyon.

Maaring makaligtas sila sa virus pero magugutom naman daw sila.

Nitong sabado inaayos na ng pamahalaang panlalawigan ang mga food packs na ipamamahagi sa bawat distrito sa Bulacan. -- BAP, GMA News