Nagluluksa ngayon ang pamilya ng Pampanga provincial health officer at doctor to the barrios na si Dr. Marcelo Jauchico matapos siyang pumanaw dahil sa COVID-19. Ang dagdag-pasakit sa kanila, namatay nang nag-iisa ang padre de pamilya at hindi nila mabibigyan ng maayos na libing dahil magkakalayo sila.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, hiniling ni Cielo Jauchico, anak ni Dr. Jauchico, na huwag lang alalahanin ang kaniyang ama bilang isang biktima ng virus, kundi bilang doktor na naging masigasig sa pagtulong sa mga pinakanangangailangan.

Ikalima si Dr. Jauchico sa mga doktor na pumanaw dahil sa naturang virus.

Masipag umanong mag-ikot si Dr. Jauchico sa kanilang probinsiya bilang provincial health officer. At sa dami ng kaniyang nakasalamuha, mahirap na raw matukoy kung saan niya nakuha ang virus.

"Nu'ng una, in denial talaga siya. 'Pag tinatanong namin kung kamusta na siya, lagi niyang sinasabi okay lang siya. Pero alam niya sa sarili niya 'di siya okay. So ang ginawa niya, nag-home quarantine na siya tapos may pumupuntang nurse sa kanila doon," ayon kay Cielo.

"Mabilis po talaga siya, as in 'di kami nabigyan ng chance makausap siya nang maayos kasi we took it for granted eh, 'yung time na 'yun, 'di namin akalain na mayroon na pala siyang sakit," dagdag niya.

Nakaranas umano ng lagnat, diarrhea at fatigue si Dr. Jauchico hanggang sa nagkaroon na siya ng mga komplikasyon.

Sa pamamagitan lang ng Viber message natanggap ng pamilya ang malungkot na balitang pumanaw na ang duktor nitong Martes.

Naka-quarantine ang panganay na si Cielo dahil sa contact sa tatay niya. Ang ina naman niya, nurse sa ibang bansa.

Kaya si Dr. Jaochico na inialay ang buhay niya para sa ibang tao, namatay na mag-isa.

"Wala po siyang kasama. Tapos 'yung pinakamasakit po du'n, umasa rin kasi kami na gagaling talaga siya. Nu'ng time po na 'yun, naka-isolate ako. Ang hirap po sobra na marinig nang ganu'n na mag-isa ka lang. 'Di mo mayakap 'yung mga kapatid mo. 'Di kami nagkaroon ng maayos na burial eh. Walang libing tapos ngayon imposibleng  maglamay din kasi andito ako, watak-watak kami so walang eulogies na narinig," sabi ni Cielo.

Sa kaniyang Facebook post, hiniling ni Cielo na sana maalala ng mga tao ang kaniyang ama hindi lang bilang isang biktima ng COVID-19.

Isa sa mga unang doctor to the barrio si Dr. Jauchico na tumulong sa pagsugpo sa dengue at malaria sa Calanasan, Apayao.

Nagsilbi rin ang doktor sa Department of Health at kasama sa mga rumesponde noong bagyong Yolanda sa Tacloban at noong pumutok ang bulkang Taal nito lamang.

Tumanggap din ng Jose P. Rizal award si Dr. Jauchico.

"Gusto ko matandaan siya sa kung paano 'yung naging contribution niya sa health sector, since doon niya dinedicate 'yung buhay niya eh. Magkalayo kami palagi. Nasa Calanasan siya for 16 years. Bago pa man ako mabuhay, nandu'n na siya. Once, twice a year lang kami magkita," kuwento ni Cielo.

"Tapos nu'ng nasa Pampanga na po siya, tuwing weekends lang po kami nagkikita. 'Di niya po kasi ugaling ipagmalaki 'yung mga ginagawa po niya sa iba. Parang normal day lang po sa kaniya kasi ganu'n din niya ituring ang buhay ng tao, mahalaga," dagdag pa ni Cielo.

Marami ring taong natulungan si Dr. Jauchico na nag-post ng kani-kanilang karanasan. Tinawag siyang "Doc Malaria Combat" dahil napagaling niya kahit ang mga nakatira sa pinakaliblib na bahay.

Kahit nakadestino na siya sa ibang lugar, hindi raw siya nakalilimot at tumutulong pa rin sa baryo. mabait na tao, mapagkumbaba at laging handang magserbisyo

Dahil nurse ang kaniyang ina na nasa ibang bansa, pinakiusapan daw niya ito na huwag nang magtrabaho para malayo sa kapahamakan pero tumanggi raw ang kaniyang ina dahil sa tawag ng tungkulin.

"Sinabi ko sa kaniya, huwag na lang siyang mag-work 'pag may napunta sa kaniyang patient na PUI kasi isa na lang siya eh. 'Di na namin kaya 'pag nawalan pa kami ng dalawang magulang, magkasunod pa po. Tapos 'yung sabi niya sa'kin, 'di naman 'yung puwede kasi hindi namimili ng buhay 'yung taong tutulong," ani Cielo.

"Tapos ang naging effect naman sa akin, gusto ko pong mag-volunteer sa mga government hospitals din kung kailangan nila ng tao kasi kung may alam ako na tao na puwedeng mabuhay lalo na 'pag nabigyan pala siya ng nurse o health worker na magfo-focus sa kaniya, gusto ko pong gawin 'yon kasi alam ko na po 'yung pakiramdam ng mawalan. At ayoko na po na maranasan ng ibang tao na mawalan din sila," sabi ni Cielo. --FRJ, GMA News