Apektado ang kabuhayan ng ilang magsasaka sa ipinatutupad na community quarantine bilang pag-iingat laban sa COVID-19 dahil walang bumibili sa kanilang mga aning gulay.

Sa isang larawan ng kuha ng netizen na si Jaren Lamhi, makikita ang mga magsasaka sa Tinoc, Ifugao na itinatapon ang mga carrots mula sa truck dahil umano sa "oversupply."

Sa isang ulat naman ni Jonathan Andal sa GMA News "Saksi," mahigit isang toneladang gulay din mula sa Buguias, Benguet ang itinapon naman dahil sa mahinang benta sa La Trinidad.

Batay sa impormasyon mula kay La Trinidad Mayor Romeo Salda, sinabi niya na tumaas ang presyo ng gulay dahil takot na ang mga nagdedeliber na ibiyahe ang mga produkto sa Metro Manila dahil sa COVID-19.

Bukod pa rito ang mahaba umanong pila para makalusot sa mga checkpoint.


Nanawagan naman ang ilang magsasaka na bilhin na lang ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga produkto upang hindi masayang.

Hinikayat ni Efren Mariano ang mga nagkakaloob ng relief goods na bilhin ang mga gulay para maipamigay sa mga tao.

“Sa mga nagbibigay ng relief goods, maganda ‘yung mga gulay. Bilhin niyo na lang para ito ang ipamigay sa mga naka-quarantine na mga tao," anang magsasaka. "Masustansya na, nakatulong pa kayo sa aming mga farmers."—FRJ, GMA News