Babaeng isang taon at siyam na buwang gulang ang unang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Oriental Mindoro. Dahil mataas ang lagnat nang dalhin sa ospital, unang inakalang na-dengue ang bata.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Governor Bonz Dolor nitong Biyernes, na taga-Calapan City ang bata, at nanggaling sa Alabang sa Metro Manila mula March 5 hanggang 12.

"H[er] guardians will be subject to testing as well," anang gobernador.

Sa panayam ng "Dobol B sa News TV," sinabi ni Dolor na nasa pangangalaga ng kaniyang pinsan at lolo't lola ang bata. Dinala raw ang pasyente sa ospital noong March 22 na may mataas na lagnat  at unang inakalang na-dengue.

Pero dahil ikinunsiderang extreme PUI (person under investigation) ang bata, kinuhanan siya ng sample para sa COVID-test, kasama ang pitong iba pa na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City.

Sa walo, tanging ang bata umano ang nagpositibo, ayon sa gobernador.

Karamihan naman daw ng pito pang ipinasuri na nagnegatibo ay mga nakatatanda na nasa edad 55 hanggang 84.--FRJ, GMA News