Matapos mamigay ng mga bigas sa mga taong hindi makalabas ng bahay dahil sa umiiral na community quarantine, pang-ulam naman na may kasamang gulay ang ipamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Gapan sa Nueva Ecija.

Sa panayam sa Laging Handa briefing nitong Martes, sinabi ni Gapan City Mayor Emerson Pascual, na namahagi sila ng bigas sa 34,000 kabahayan sa lungsod.

"Pagkatapos naming malagyan ng bigas ang bawat pintuan, ulam ang kasunod niyan. Dire-diretso ang bigay namin ng ulam sa mga tao dito sa lungsod ng Gapan," saad ng alkalde.

"Pati yung mga farmers dito, mga magtatanim ng gulay, ang sabi ko sa kanila, sa Huwebes, kapag natapos na bigyan ng bigas ang lahat ng bahay sa Gapan, lahat ng tanim dito na gulay, vegetable, bibilhin ko, papakyawin ko at ipamimigay ko sa mga tao dito sa lungsod ng Gapan," dagdag niya.

Una rito, umani ng papuri sa mga netizen si Pascual nang makita na sako-sako at hindi per-kilo ang ipinamimigay niyang bigas sa bahay sa kaniyang nasasakupan, na may kasama pang buhay na manok.

Kasabay nito, nanawagan din si Pascual sa pamahalaan na mabigyan sila ng test kits para masuri ang mga kababayan nilang may COVID-19 para maihiwalay kaagad nila at nang hindi na makahawa pa ng iba.

"Kung may chance na matulungan kami ng national government, ang gusto namin yung test kit sana. Para lahat ng PUM ay masala na namin kung sino ang mga dapat naming ibukod para hindi na kumalat, hindi na makahawa dito sa mga tao sa lungsod ng Gapan," pakiusap niya.

Sa ngayon, sinabi ni Pascual na may anim na kaso sila ng COVID-19 at 837 na persons under monitoring, at siyam na persons under investigation.--FRJ, GMA News