DUMALINAO, Zamboanga del Sur - Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) matapos pagbabarilin umano ng kapwa CAFGU sa bayan ng Dumalinao, Zamboanga del Sur nitong Huwebes ng hapon. 

Kinilala ang nasawing biktima na si Rolando Alipaopao, nasa hustong edad.

Ang suspek naman ay kinilala na si Ruben Adaza, 37.

 

 

Parehong residente ang biktima at suspek sa nabanggit na bayan.
 
Sa ulat ng Dumalinao Police, nangyari ang insidente partikular sa detachment ng 11THZS CAA COY “D COY” 53 IB, 1ID Philippine Army sa Purok Talaba, Barangay Camanga alas 5:55 ng hapon.
 
Ang biktima at ang suspek ay parehong nakadestino sa nabanggit na detachment.
 
Base sa kanilang imbestigasyon, nasa impluwensiya ng alak ang suspek nang mangyari ang insidente.
 
Naka-complete uniform din umano ito na sinasabing duty sentinel para sa oras na alas-sais ng gabi hanggang alas-otso ng gabi sa nabanggit na araw.
 
Nagkasagutan daw nang maiinit na salita ang suspek at ang biktima tungkol sa nakaraan nila na hindi pagkakaintindihan.  

Ang mainit na sagutan, nagresulta sa madugong insidente dahil pinagbabaril umano ng maraming beses ng suspek ang biktima gamit ang 5.56 MM rifle.
 
Sa pag-asang mabubuhay pa ito, itinakbo ng kanyang mga kasamahang CAFGU ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan subalit makalipas ang ilang oras binawian din ito ng buhay. 
 
Narekober sa crime scene ang labing isang basyo ng bala ng 5.56-mm rifle.
 
Sa pagresponde ng pulisya sa lugar ng pinangyarihan, matagumpay na naaresto ang suspek.
 
Nakuha mula sa kanya ang ginamit na baril.

Nakakulong siya ngayon sa Dumalinao PNP Lock-Up Cell at nahaharap sa kasong pagpatay. —KG, GMA News