Sugatan ang isang 63-anyos na barangay volunteer matapos siyang gulpihin ng tatlong magkakaanak na nagalit  umano nang hindi niya ito padaanin sa binabantayan niyang barangay sa Calamba, Laguna.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagtamo ng mga sugat at pasa sa mukha at katawan ang biktimang si Enrique Atole, ng barangay Parian, na nasa hangganan ng barangay Banlic, kung saan residente ang mga suspek.

Kuwento ni Atole, nagalit ang mga suspek nang payagan niyang makadaan ang isang bibili ng gamot para sa maysakit na anak noong Marso 31.

Sabi pa ng biktima na ipinaliwanag niya ang sitwasyon ng taong pinayagan niyang dumaan dahil may dala naman itong reseta ng gamot.

Hindi nagtagal, sinugod na ng tatlong suspek at pinaggugulpi ang biktima kahit nakatumba na, ayon sa isang saksi.

Hinanakit ng biktima, ginagawa lang niya ang kaniyang tungkulin para protektahan ang mga tao.

Galit din ang kapitan ng barangay ng Parian dahil pinagbabantaan pa raw ang biktima na babalikan kapag natapos na problema sa COVID-19.

Nang makapanayam ang mga suspek sa kabilang barangay, inamin nila ang ginawang pananakit at humingi paumanhin ang isang suspek. Nangako rin itong hindi na mauulit ang insidente.

Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at nangako ang mga awtoridad na aarestuhan ang sinomang mananakit sa mga itinuturing frontliner, kasama na ang mga volunteer na nagbabantay sa checkpoint.--FRJ, GMA News