Isang 27-anyos na lalaki na umano'y person with disability o PWD ang sinasabing binugbog ng mga opisyal ng Barangay Rizal sa Dinalupihan, Bataan matapos na magreklamo nang hindi siya nabigyan ng relief goods. Pero ang mga taga-barangay, may ibang bersiyon ng kuwento.

Ayon sa ulat ni Katrina Son sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing Abril 3 nang malaman ng biktima na mamimigay ng relief goods ang barangay.

Pero nang magkabigayan na ng relief goods, tanging siya lang umano sa mga magkakapitbahay ang hindi nabigyan kaya sumama ang kaniyang loob at inilabas niya sa pag-post sa Facebook.

Paglalahad ng biktima, mayroon siyang psychosocial disorder at mabilis na magalit.

“Siyempre po no’ng time na ‘yun, ayun na lang po ‘yung inaasahan kong pagkain sa araw na ‘yon,” umiiyak niyang pahayag. “Sobrang sama po ng loob ko, nag-post po ako sa Facebook, sabi ko, ‘Ba’t naman ganiyan, namimili kayo?’”

Ilang minuto lamang matapos niyang mag-post sa Facebook, pinuntahan na raw siya sa kaniyang bahay ng mga opisyal ng barangay at dinala sa barangay hall, at doon na naganap ang pananakit sa kaniya.

Nag-Facebook Live ang biktima upang idokumento ang pananakit sa kaniya.

“Nag-video na po ako kasi hina-harass na po ako, ang dami nila, mag-isa lang po ako,” aniya.

Ayon pa sa biktima, pinilit daw siya ni Barangay Chairman Jesus Matitu na burahin ang video at mag-public apology sa mga opisyal.

“Sabi nila, ‘Ginawa mong tarantado ‘yung barangay. Sumulat ka dito sa barangay na hindi ka puwedeng mag-post laban sa’min kasi papalayasin ka na namin dito,’” kuwento ng biktima.

Depensa naman ng mga opisyal ng barangay, natagalan lang daw ang pagbigay ng relief goods sa ilang mga residente dahil naubos na ang stock nila.

Bumalik naman daw sila agad sa lugar ng biktima pero nasa loob na raw ito ng bahay niya.

Dagdag pa ng opisyal, pinagmumura sila ng biktima.

“Sabi ko, ‘Ba’t pinagmumura mo ‘yung kapitan? Kilala mo ba ‘yung kapitan?’ ‘Hindi po.’ ‘Hindi mo pala kilala, ba’t [minumura] mo?’ Sabi niya, ‘Sorry po,’” kuwento ni Matitu.

Sinabi rin nila na wala pang dalawang linggong nangungupahan sa kanilang barangay ang biktima.

Pumirma rin naman daw ang lalaki sa usapan na magpa-public apology siya at kasama pa raw ang ina nito.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News