Nangangamba umano ang ilang residente sa isang barangay sa Pandi, Bulacan dahil payagan ng ospital at provincial health office ang isang COVID-19 patient na makauwi kahit hindi kinuhanan ng panibagong test para malaman kung negatibo na talaga ito sa virus.  Sa sertipikasyon ng pasyente, nakasaad na ilang araw nang walang sintomas ng sakit ang pasyente.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, hindi naitago ni Pandi Mayor Enrico Roque ang pagkadismaya sa ginawa ng provincial health office at ospital sa Baliuag kung saan na-confine ang pasyente.

Giit ni Roque, dapat inabisuhan ang kanilang lokal na pamahalaan dahil mayroon silang nakahandang panuntunan sa naturang sitwasyon ng pasyente.

"Sana nagpasintabi sila sa amin para naihanda namin. Kasi dito sa bayan ng Pandi may guidelines din kaming sinusunod. Ayaw naming magkaroon ng struggle, dilemma when it comes to... malaman ng mga tao na nandiyan yung positive [patient] bakit n'yo inallow," paliwanag ng alkalde.

Mayroon umanong inihandang quarantine facility ang Pandi, at doon dapat munang tumuloy ang pasyente bilang pag-iingat. Pero ayaw na umano ng pasyente na doon tumuloy at nagbabanta raw itong kakasuhan ang lokal na pamahalaan.

Ayon sa kapitan ng barangay kung saan nakatira ang pasyente, nangangamba na ngayon ang mga kapitbahay nito dahil hindi malinaw kung talagang wala na itong virus dahil hindi isinailalim sa panibagong test.

Ipinaliwanag naman ni Dra. Joy Gomes ng Bulacan Provincial Health Office, nasa circular ng DOH na kapag asymptomatic na ang pasyente ay puwede nang pauwiin.

Maaari lang daw gawin ang retest bago paalisin ang pasyente kung may available na COVID test kit.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng pasyente.--FRJ, GMA News