Dahil walang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa Baguio City sa nakalipas na mahigit isang linggo, itinuturing modelo ngayon para sa lokal na pamahalaan sa paglaban sa nakamamatay na virus ang lungsod.

Nitong Miyerkules, pinuri ni retired General Restituto Padilla, spokesman ng National Task Force COVID-19, si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dahil walang bagong kaso ng COVID-19 na naitatala sa lungsod sa nakalipas na 10 araw.

“Tatlo po ang direksyon na kaniyang tinatahak: una, transparency and communication; pangalawa, mass testing; at ang pangatlo, effective contact tracing,” anang opisyal.

Una rito, sinabi ni Magalong na napanatili nila sa 14 ang kaso nila ng COVID-19 dahil sa kanilang kahandaan.

Kabilang sa ginawang hakbang ng lungsod para mapigilan ang pagkalat ng virus ay ang pagsuspindi ng taunang Panagbenga Festival at iba pang malalaking pagtitipon na kadalasang dinadayo ng mga turista.

Plano rin ng lungsod na muling buksan ang isinarang ospital para sa COVID-19 patients.

“Lahat pong ito ay sang-ayon sa ating national action plan template na sana ay… maintindihan at magawa ng lahat ng ating mga LGUs sa iba’t ibang panig ng [bansa],” sabi ni Padilla.

Sa ngayon, mahigit 3,000 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, at 182 na ang nasawi.—FRJ, GMA News