Isang sanggol sa Lipa, Batangas na 23-araw na gulang pa lang ang nasawi dahil umano sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Facebook post nitong Huwebes ni Mayor Eric Africa, sinabi nito na pumanaw ang sanggol na lalaki noong Linggo.

Siya ang ika-15 kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Dagdag pa ni Africa, lumabas ang resulta ng COVID-19 test sa sanggol, apat na araw matapos itong pumanaw.

Nitong Miyerkules ng hapon, iniulat ng Lipa na mayroon silang 14 na kaso ng COVID-19 at apat sa mga ito ang nasawi.

Itinuturing naman na persons under investigation (PUI) ang 35 residente at persons under monitoring (PUM) ang 367 na iba pa.--FRJ, GMA News