Nagpositibo sa COVID-19 ang isang OFW mula sa Saudi Arabia na umuwi sa kaniyang lungsod ng Dagupan, Pangasinan.

Sa ulat ni King Guevarra sa GMA News "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing residente ng Barangay Calmay ang nagpostibong 32-anyos na babaeng OFW.

Una nag-swab test ang OFW sa Maynila at negatibo ang kaniyang naging resulta.

Umuwi na siya sa Dagupan matapos ang 14-day quarantine period, pero muling sumailalim sa swab test at dito na siya nagpositibo.

"'Yung mga OFW or returning balikbayans, pagdating dito iku-quarantine and then ire-repeat 'yung swab test nila. 'Yun ang ginawa sa aking OFW and then it turned out na positive siya roon sa COVID-19," sabi ni Dr. Ophelia Rivera, Dagupan City Focal Person for COVID-19.

Asymptomatic o hindi nagpakita ng mga sintomas ng COVID-19 ang OFW, na kasalukuyang nagpapagaling sa Region 1 Medical Center.

"Maganda po 'yung pangyayari na nasalang natin or na-test natin itong mga ito dahil hindi natin masabi talaga 'yung exposure nila," ayon pa kay Rivera.

Umabot sa 977 mga kaso ng COVID-19 ang nakumpirma sa Region 1, 3 at Cordillera Administrative Region.

Parehong 110 ang naitala sa Region 1 at CAR, at 757 sa Central Luzon.

Samantala, kinumpirma ng City Health Office ng Dagupan City na nakapagtala sila ng panibagong kaso ng COVID-19 sa lungsod, na isang 44-anyos na babae mula sa Bgy. Bonuan Binloc.

Asymptomatic din daw ang bagong kaso katulad ng naunang pasyente na OFW, at naka-confine din sa Region 1 Medical Center. —LBG, GMA News