Natagpuang bukas ang ilang puntod sa isang sementeryo sa Guagua, Pampanga, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Kuwento ng isang namatayan sa Stand For Truth, bumisita ang isa nilang kaanak sa isang pampublikong sementeryo para magtirik ng kandila.

Laking gulat niya nang makitang nakalabas na ang bahagi ng kabaong ng kanyang tiyuhin.

Nakakalat din ang labi ng kanyang ibang kaanak.

May iba pang puntod sa sementeryo na nabuksan din at pinaniniwalaang ninakawan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, dahil wala namang mahahalagang bagay na makukuha sa mga puntod, posibleng napag-tripan lamang ang mga nitso.

Kasalukuyan nang pinaiimbestigahan ang insidente. —KG, GMA News