Patay ang isang babae sa Magpet, Cotabato ilang oras matapos matuklaw ng ahas.

Iniulat ng Unang Balita nitong Miyerkues na ayon umano sa ina ng biktima, kinuha lamang ng kanyang anak ang kanilang alagang kambing sa pinagpastulan nito.

Pag-uwi umano sa bahay, namumutla at nanghihina ang kanyang anak.

Nakita sa kanang paa ang biktima ang pinaniniwalaang kagat ng ahas.

Hindi agad nadala sa doktor ang biktima dahil malayo ang kanilang bahay sa pagamutan.

Nang madala na sa doktor, tila nangingitim at naninigas na raw ang babae, at kalaunan ay namatay ito.

Ito na umano ang ikalawang insidente ng pagkamatay sa lugar dulot ng tuklaw ng ahas.

Makalipas ang dalawang araw, nahuli ng mga residente at napatay ang ahas. —LBG, GMA News