Agad na binawian ng buhay ang isang 11-anyos na estudyanteng lalaki sa Pilar, Abra matapos na matusok ang kaniyang ulo ng bakal ng isang traktora.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Starsky Ines, Jr., Grade 7 student, ng Barangay Poblacion.

Ayon sa ama ng bata, iniwan niya sa bahay ang anak na noo’y nagtatapos lamang ng kaniyang modules para sa eskwelahan.

Nagulat na lamang siya ng mabalitaang nasawi ang kaniyang anak sa malagim na trahediya.

“Masakit lalo na 'pag naiisip mo. Hintay na lang po ng resulta ng imbestigasyon ng PNP,” ani Starsky Ines, Sr.

Ayon kay Police Lieutenant Rovisco Dulnuan, deputy chief ng Pilar police station, nakasakay ang biktima sa trailer na may kargang tubig at hinahatal ng traktora.

Pero nang nasa pababang bahagi ng daanan ang traktora, sumubsob ang trailer at natulak ang bata patungo sa likod ng traktora.

“Nandoon na sila sa downgrade na kalsada ‘yong nakasakay na container is water tank, nag-move forward, doon siya naipit,” ani Dulnuan.

Kaagad naman daw sumuko ang driver ng traktora na si Ronald Turqueza.

“Aksidente, sir. ‘Di ko naman gusto madisgrasya habang pababang direksyon. Hindi ko alam na may bata sa likod ko,” ani Turqueza.

Sinampahan na siya ng reklamo na reckless imprudence resulting in homicide.--Angelica Garcia/FRJ, GMA News