Nailigtas ang isang bagong silang na sanggol na isinilid sa bag at iniwan sa bangketa na may mga halaman at ginapangan na ng langgam sa isang subdibisyon sa Imus, Cavite.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV noong Martes ng madaling araw na isang lalaking nakabisikleta ang nag-iwan ng bag sa bangketa sa Green Gate subdivision.

Hindi naman namukhaan ang lalaki dahil naka-hoodie ito at nakayuko nang dumaan sa CCTV.

Kinaumagahan, may isang ginang na pipitas ng sili sa bangketa ang nakarinig sa iyak ng bata kaya nadiskubre ang sanggol na may dugo pa.

"May narinig akong 'Uha.' Sabi ko 'Ano kaya 'yun?' Hindi ko pa naisip na du'n galing sa bag. Noong pangalawa niyang uha, doon ko na [sinilip] na may baby doon sa loob," sabi ni Connie Cainglet, nakakita sa inabandonang bag.

"Natatakot ka na kung ano na ang nangyayari doon sa umiiyak sa loob, kung ano ang sitwasyon na niya. Hindi namin alam kasi nakasara po 'yung zipper ng bag," dagdag ni Cainglet.

Nang buksan ang bag, nakita sa loob ang sanggol na nakakabit pa ang umbilical cord.

"Medyo pawis na pawis na 'yung bata saka may damit na naka-ano sa mukha niya. May dede naman sa tabi ng bag. Talagang ako'y nataranta rin, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, nanginginig nga ako nu'ng nakita ko 'yung bata. Naaawa ako sa bata," sabi ni John Ray Ramos, kapitbahay na nakakita sa sanggol.

"May langgam na po dito sa dibdib ng bata. Kawawa 'yung bata, wala siyang kasalanan. Hindi kayo naaawa sa anak niyo na ganu'n na lang inabandona ninyo na walang kalaban laban sa buhay?" dagdag ni Cainglet.

Humingi ng tulong ang mga residente sa barangay para madala ang sanggol sa health center.

Ayon sa rumespondeng kagawad, lumalabas na alas-tres ng madaling araw pa iniwan ang sanggol, at alas onse na ng umaga nang matagpuan.

"Palagay ko hindi pa three hours o four hours 'yung pangyayaring 'yun. Sariwa pa 'yung sa pusod niya eh, may mga dugo pa siya sa likod," sabi ni Kagawad Juan Talon Jr.

Maayos na ang sitwasyon ng sanggol, na nasa pangangalaga na ng City Social Welfare and Development Office.

Pinangalanan ang bata na "Angelito" na itinuturing hulog ng langit.

Hinala ng barangay, kalugar nila ang magulang ng sanggol.

"Iniisa-isa ko 'yung street kung may mga CCTV at ako'y makikiusap para ipa-review. Kakasuhan na namin sila," sabi ni Talon.

May ilang tao na nagpahayag ng interes na ampunin ang bata pero daraan ito sa legal at masusing proseso.--Jamil Santos/FRJ, GMA News