Isang lalaking napagkamalang holdaper ang nabaril at napatay ng isang pulis sa Santa Rita, Pampanga, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kagagaling lang daw ng biktimang si Federico Pineda Jr. sa birthday ng kaniyang anak nang mabaril siya.

Ayon sa pulisya, may tinutugis sila noong suspek sa panghoholdap. Hindi raw tumigil ang biktima nang parahin kaya hinabol nila ito at pinaputukan.

Kinilala ang pulis na nakabaril na si Police Corporal Eframe Ramirez, na hawak na ngayon ng pulisya.

Ipinagutos na rin ni Police Brigadier General Valeriano De Leon, hepe ng Central Luzon police, na disarmahan si Ramirez.

Nangako siya na magiging patas ang imbestigasyon sa insidente.

"If found guilty, he will be meted with both administrative and criminal charges. We do not condone any irregularities from our personnel," saad ni De Leon.

Nahuli naman kinagabihan ang tunay na suspek sa panghoholdap na si Joven Basera. Nakuha sa kaniya ang mahigit P6,000 na ninakaw niya umano sa isang tindahan. Wala siyang pahayag.

Hinahanda na ang kasong robbery with frustrated homicide laban kay Basera.

Hustisya naman ang sigaw ng mga kaanak ni Pineda. —may kasamang ulat ni Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News