Tumilapon ang magtiyuhin at ang sanggol na 10-buwang-gulang matapos silang salpukin ng isang motorsiklo sa Dagupan City, Pangasinan. Ang rider, agad na nakatayo at tumakas.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, makikita sa video na gabi at tumatawid ang mag-ama kasama ang pamangkin na babae nang mangyari ang insidente sa Barangay Lucao.

Ang ama, kinilalang si Ronald Beltran na siyang may hawak sa kaniyang anak. Kasama ring tumilapon ang rider na nakasuot ng helmet at kaagad na nakatayo.

Pero sa halip na tulungan ang kaniyang mga nabangga, muli siyang sumakay sa motorsiklo at tumakas.

Dinala sa ospital ang mga biktima at sinabing ligtas na ang mag-amang Beltran, habang patuloy na inoorserbahan ang pamangkin na babae.

Papunta raw sana sa isang kainan ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng rider na hinikayat ng mga awtoridad na sumuko at panagutan ang kaniyang ginawa.--FRJ, GMA News