Sugatan ang magkasintahan nang barilin sila ng isang sundalo sa Urdaneta, Pangasinan. Ang 20-anyos na babaeng biktima, pilit daw na isinasama ng suspek sa inn kaya nagpasaklolo siya sa kaniyang nobyo.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Celine Fernandez, 20, at Fernando Manzano, 28.

Naaresto naman ang suspek ang sundalong si Nicho Argos, na kaibigan pa man din ni Fernandez.

Sa kuha ng CCTV sa labas ng inn, makikita ang nangyaring pamamaril sa mga biktima na parehong nagtamo ng tama ng bala sa hita.

Ayon kay Fernandez, sumama siya kay Argos na mamasyal nitong Martes dahil sa kaibigan niya ito.

Pero nang pauwi na, nagtaka ang biktima dahil dinadala na siya ni Argos sa inn.

Kaya kaagad niyang tinawagan ang nobyo niyang si Manzano para magpasaklolo.

"Pagdating ng boyfriend, according sa investigation, sinuntok niya yung suspek. Then immediately, itong suspek natin, considering na armed with firearm, binaril niya itong victim," ayon kay Police Major Arturo Melchor, Public Information Officer, Pangasinan PPO.

Nadetine ngayon sa Urdaneta Police station si Argos na nahaharap sa kaukulang kaso. Pero dahil sa health protocols, hindi na pinayagan ang media na makuha ang kaniyang panig.

Pero inamin niya sa pulisya ang ginawang krimen.--FRJ, GMA News