Nasawi ang magkapatid na babae nang makulong sila sa  nasusunog nilang bahay na may nakaimbak na gasolina sa Matnog, Sorsogon.

Sa ulat ni Jessie Cruzat sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing edad 18 at 11, ang nasawing magkapatid.

Sugatan naman sa tinamong sunog sa balat ang kanilang ina, na nasagip nang mga kapitbahay sa pamamagitan ng pagsira sa bubungan.

Ligtas naman ang kanilang padre de pamilya na si Manuel Gardon.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nagsimula ang sunog sa bahay ng mga biktima sa Barangay Tablac.

May nakaimbak umanong gasolina sa bahay ng mga Gardon. Nang mawalan ng kuryente, nagsindi ng kandila ang pamilya malapit sa gasolina na dahilan ng sunog.

Mabilis umanong kumalat ang apoy at apat na kalapit na bahay ang pa nadamay.--FRJ, GMA News