Dahil puno na ang ospital, ilang pasyente na tinamaan ng COVID-19 na  naghihintay na ma-admit ang namamatay na habang nasa ambulansiya sa Kalibo, Aklan.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang mga ambulansiya na nakapila sa labas ng isang ospital sa Kalibo.

"Tina-try po namin habulin 'yong buhay ng pasyente namin. Eh due to pila nga po sa hospital, ang daming pasyente, 'yong kalimitan nangyayari po sa ambulansya na lang halos namamatay ang pasyente," sabi ni Jeremie Fernandez, first responder ng Kalimo Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

"Sa part po naming responder, ang sakit po noon," dagdag niya.

Isinailalim ang Aklan sa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine hanggang Agosto 15 habang patuloy ang pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19 na hinihinalang dulot ng mas nakahahawang Delta variant.

Nitong Lunes, iniulat na ilang pasyente naman sa Cebu City ang nananatili sa kani-kanilang sasakyan habang naghihintay din na ma-admit sa isang ospital.

Samantala, bukod sa problema ng dami ng pasyente sa Aklan, dagdag na suliranin ngayon ang pagkasira ng crematorium sa Iloilo, na pinagdadalhan ng mga nasasawing pasyente ng COVID-19 sa Aklan.

"Dahil sa mayroong sira daw yung crematorium dun sa Iloilo, so wala tayong magagawa dahil as per advice ng ating Gov. Joeben Miraflores na bawat bayan dito sa probinsiya ng Aklan, kaniya-kaniya na kaming designates na burial ground," ayon kay Kalibo Mayor Emerson Lachica.--FRJ, GMA News