Patay ang isang lalaki na nahaharap sa mga kaso nang tumalon siya mula sa tulay para takasan ang mga pulis pero bumagsak siya batuhan sa Cagayan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang nasawi na si Jomar Lagok, 27-anyos, at tubong Alcala, Cagayan.

Sakay si Lagok ng police mobile kasama ang mga pulis ng Solana nang mangyari ang insidente sa Buntun Bridge na nagdudugtong sa Solana at Tuguegarao City.

Galing daw si Lagok sa Provincial Prosecutor's Office at pabalik na sa Solana Police station nang magawa nitong pigtasin ang kaniyang posas at makalabas ng police mobile habang nakaipit ang sasakyan sa traffic.

Ayon kay Police Captain Samuel Lopez, hepe ng Solana police, posibleng inakala umano ni Lagok na dagat o tubig ang babagsakan niya sa pagtalon mula sa tulay pero sa kamaang-palad ay sa mga bato siya bumagsak.

Tumama ang ulo ni Lagok sa mga bato na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ni Lagok sa nangyari sa kaniya.--FRJ, GMA News